Hinggil sa paglilista ng philippines History' bilang 'NPA subject'
NPA BILANG SUBJECT
BASAHIN: Pahayag ng Dibisyon ng Kasaysayan, UP Los Baños Hinggil sa paglilista ng ‘Philippine History’ bilang ‘NPA subject’ Mapanganib at nakababahala—ganito mailalarawan ang nilalaman ng isang pananaliksik ng Center for Preventing and Countering Violent Extremism, sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan eksplisito nitong nilista ang Philippine History o Kasaysayan ng Pilipinas bilang isa sa di umano’y mga ‘New People’s Army (NPA) subjects”. Layon ng AFP research center na ito sa kabilang banda na magmungkahi sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ng mga subject gaya ng ‘Benefits of Martial Law to the Economy’. Ang isyung ito na sumulpot sa gitna ng deliberasyon ng 2024 proposed budget ng Department of National Defense (DND) sa Kamara ay kabalintunaang nangyari pa isang araw bago ang Setyembre 21 kung kailan ginugunita ng bayan ang ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ng pinatalsik na diktador, Ferdinand Marcos, Sr., at sa gitna ng kaliwa’t kanang interogasyon sa hindi makatwirang paggamit ng administrasyong Marcos-Duterte ng confidential funds. Ang hakbanging ito ng AFP ay mapanganib sa kapakanan kapwa ng mga guro at mag-aaral ng Kasaysayan ng Pilipinas sa panahon na maigting ang kampanyang anti-insurhensya ng estado sa ilalim ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict). Ito rin ay nakababahala dahil ito ay direktang atake sa disiplina ng kasaysayan at sa academic freedom ng mga paaralan at pamantasan na nagnanais turuan ng kritikal at historikal na pag-iisip ang kabataan, mga bagay na susi para sa isang lipunang may paninindigan para sa kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, at iba pa. Higit pa rito, lumilitaw na nagiging kasangkapan ngayon ang AFP para sa state-sponsored disinformation at historical distortion na nagbigay daan para sa rehabilitasyon ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kapangyarihan. Sa nakalipas na siglo, mga pasistang diktador lamang, gaya nina Adolf Hitler, Benito Mussolini, Francisco Franco, at iba pa, ang takot at tumatanggi sa kasaysayan. Tinututulan ng Dibisyon ng Kasaysayan, UP Los Baños, ang anumang lantaran o hindi hayag na pagbabanta sa paraan ng pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas. Nananawagan ang dibisyon sa mga kapwa guro, mananaliksik, at mag-aaral na manatiling mapagmatyag at masugid na ipagtanggol ang kasaysayan. Huwag itong salingin sapagkat walang ibang bersyon ng kasaysayan kung hindi iyong nakabase lamang sa katotohanan.